Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot sa lupa? Alam din ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay takut na takot ang inahing tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw? Ganito ang pangyayari.
Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang uwak. Madalas dumalaw ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito.
Isang araw, sa paglalaro nila, napansin ng manok na may magarang singsing ang ibon. "Uy, pahiram naman ng singsing mo. Ang ganda-ganda!" sabi niya sa uwak.
"Sige, iiwan ko muna ito sa iyo. Bukas ko na lang kukunin uli," sagot ng uwak na mabilis na lumipad uli.
Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang hayop ang singsing niya nang lumapit ang isang tandang. "Bakit mo suot iyang di sa iyo? Iyang uwak ay hindi manok na tulad natin, kaya hindi ka dapat makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang singsing!"
Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang singsing. Kinabukasan, napansin agad ng uwak na di niya suot ito. "Nasaan ang singsing ko?" tanong ng ibon.
"Ewan ko," takot na sagot ng manok. "Naglalakad lang ako ay bigla na lang nawala sa mga kuko ko. Luwag kasi."
Nahalata ng uwak na nagsisinungaling ang manok dahil nanginginig ito. "Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin mo iyon at ibigay mo uli sa akin. Hanggang hindi mo naisasauli ang singsing, kukuha ako ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko sa malayo."
Buhat na nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa lupa para hanapin ang itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama sa kanya, ay naghahanap din. Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang tawag ng inahin sa mga sisiw at tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka danggitin ng uwak.