Hindi pa naglalaon ang kasal ni Jose kay Maria nang iutos ni Emperador Caesar Augustus na ang lahat ng tao sa buong Roma ay magpatala sa senso. Sila ay dapat magpatala sa pinagmulan ng kanilang pamilya. Sina Maria at Jose ay mula sa pamilya ni David kaya nilisan nila ang Nazareth upang pumunta sa Bethlehem pagkat dito isinilang si David.
Ang mahabang paglalakbay ay mahirap pagkat si Maria'y nagdadalang-tao at malapit nang magsilang. Nang sila'y sumapit sa Bethlehem, ito'y siksik ng tao dahil sa mga nagsisipagpatala. Pagkat walang matuluyan, sina Jose at Maria'y nagkasya na lamang sa sabsaban ng mga hayop.
Sa tanimang malapit sa Bethlehem, nang gabing ipinanganak si Hesus, binabantayan ng
mga pastol ang kanilang alagang hayop. Biglang sila'y nabalot sa mahiwagang liwanag at
nagulumihanan nang pakita sa kanila ang anghel ng Diyos.
"Huwag kayong matakot," sabi ng anghel, "akoy may masayang balita. Sa araw na ito'y isinilang ang mananakop, ang tagapagligtas, si Kristo na ating Panginoon. Ang bata ay nasa isang sabsaban sa Bethlehem."
Walang anu-ano'y ang langit na tinitingala ng mga pastol ay napuno ng mga anghel na lumuluwalhati sa Diyos at umaawit ng:
"Glorya sa Diyos sa kaitaasan
At sa daigdig ay kapayapaan,
Maligayang ban sa sangkatauhan."
Nang makapag-alisan ang mga anghel, ang mga pastol ay kaagad nagpunta sa Bethlehem at nakita roon ang sanggol sa sabsaban. Ibinalita nila kina Maria at Jose ang tungkol sa mga anghel, kung ano ang kanilang narinig hinggil sa sanggol. Ang lahat ay nagtaka nang narinig ang kanilang salaysay.
Sa isang bansa sa silangan, may tatlong Magong nag-aaral tungkol sa langit. Isang gabi'y nakita nila ang isang maningning na tala kaya kanilang nabatid ang pagsilang ng Hari.
Nang makita nila ang tala, ang mga Mago ay nagsimulang maglakbay papunta sa Jerusalem, ang punong-lungsod ng mga Hudyo.
"Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Hudyo?" ang kanilang tanong. "Sinubaybayan-namin ang tala sa silangan, kaya kami'y narito ngayon upang sambahin ang Hari."
Ngunit walang nakarinig at nakakita sa Haring bagong silang.
Nang marinig ni Herodes, hari ng Hudeya, ang paghahanap ng mga Mago, siya'y nabalisa sa paniniwalang baka maagaw ang kanyang korona. Pinulong niya ang mga pari at tinanong kung saan ipinanganak ang Hari ng Israel.
"Sa Bethlehem," ang sagot sa kanya.
Ipinasiya ni Herodes na ipapatay ang bagong hari upang manatili siya sa kapangyarihan.
Sinabi ni Herodes sa tatlong Haring Mago, "Sa Bethlehem ninyo siya hanapin at kung makita'y ipabatid sa akin upang ako ay pumunta rin doon upang siya'y sambahin."
Natagpuan ng mga Mago ang sanggol. Nakilala nila agad ito bilang Hari. Sila'y lumuhod at nanalangin. Si Hesus ay kanilang hinandugan ng alaalang ginto, insenso at mira.
Sa pag-uwi ng mga Mago nais nilang magdaan sa Jerusalem upang ibalita kay Haring Herodes ang tungkol sa Mesiyas. Nang gabing yaon sa pamamagitan ng panaginip, ay.nagpakita sa kanila ang isang anghel at pinagbawalang huwag magbalik sa Jerusalem.
Ang mga Mago ay umuwi na sa kanilang kaharian na iba ang dinaanan.