Noong araw may isang mayamang lalaki na nag-aalaga ng isang baka at isang kalabaw. Katulong niya ang mga ito sa bukid, sa pagtatanim at mga ibang gawain.
Isang araw naisipan ng dalawang hayop ang maligo sa ilog. Inalis nila ang kanilang mga damit at lumublob sila sa tubig. Masaya silang lumalangoy-langoy nang matanaw nilang dumarating ang mabagsik nilang amo na may dala-dalang malaking pamalo.
Sa pagmamadali nilang makapagbihis, naisoot ng kalabaw ang baro ng baka, at naisoot naman ng baka ang baro ng kalabaw. Tumakbo sila para huwag maabutan ng among galit na galit.
Mabilis na nakalayo ang baka dahil luwag para sa kanya ang isinoot na baro. Ang kalabaw naman ay hindi nakatakbo dahil sa kasikipan ng soot. Inabutan siya ng amo at hinampas nang hinampas.
Mula noon, luwag na ang damit ng baka, at mas matuling tumakbo kaysa kalabaw.