Kasagsagan noon ang labanan. Ang mga Kastila ay sumusulong samantalang ang mga Rebolusyunaryo ay naghihintay sa kanilang pagdating. Naiwan ni Aguinaldo ang mga kawal sa pangangasiwa ng isang "major" samantalang siya ay wala sa larangan pagka't may tinutungkol na pangangailangang hindi maiwasan.
Isang koronel ang nangunguna sa paglusob ng mga Kastila. Bagaman nakararami ang mga Kastila bukod sa mahuhusay ang kanilang sandata, ang mga Pilipino ay di-gaanong napipilan sapagka't sila ay kubli sa mga dingding na bato na nakapaligid sa kanilang kuta sa kuweba ng Biak-na-bato.
Nang kasalukuyang nag-aapoy ang labanan, siyang pagdating ni Hen. Aguinaldo sa kabila ng hagibis ng mga punglo.
Nakita niya ang koronel na Kastilang malapit na malapit at lantad na lantad kaya madaling patamaan ng puntirya. Humingi ng bala ang Heneral sa "major" na Pilipino gayong mayroon naman siyang sariling sakbat.
Pagkatanggap ng bala isinubo ito ng Heneral sa kanyang bibig. Inilabas bago hinipan. Inilagay sa kanyang pistola at pinaputukan ang Koronel.
Natamaan ang Koronel kaya ang mga Kastila ay nasiraan ng loob nang mamatay ang kanilang lider. Ito ang labanan sa Biak-na-bato, isang pangyayaring tila pangkasaysayan subali't maaaring katha-katha lamang.
Ang ikalawang kuwento ay tungkol sa kalabaw. Ang kalabaw ay sagisag ng katatagan at lakas sa trabaho bagaman ito'y mabagal.
Ang sagisag na ito ay kinagiliwan ng Heneral. Ang balkonahe ng bahay niya sa Kawit, Cavite ay may nakaukit na kalabaw.
Noong Himagsikan nakagawian ni Hen. Aguinaldo na ang gamiting sasakyan sa labanan ay kalabaw. May kabutihan itong naidulot. Akala ng kanyang mga kaaway siya'y isang magbubungkal ng lupa at hindi isang kawal. Hindi siya pinapansin at ginagalaw kaya tuloy naiiwasan niya ang panganib.
Noong mainitan ang labanan sa Zapote, baryo ng Bacoor, Cavite, muntik nang napipilan ang mga Pilipino nguni't nang makita ng mga Rebolusyunaryo si Hen. Aguinaldo na nakasakay sa kalabaw, sila'y nabuhayan ng loob. Kahit barilin ang Heneral ay hindi tinatablan. Ayon sa maraming nakakilala sa kanya, siya'y may anting-anting. Sa wakas naitaboy nila ang mga kaaway.
Ayon sa balita si Emilio Aguinaldo ay sakay raw sa kalabaw nang kanyang iproklama ang Republika sa Kawit.
Ayon sa mga tagabukid, pinababantayan daw ni Aguinaldo sa isang kapre ang kanyang bahay. Ang kapre ay siyang higanteng may sa tagabulag at hindi makita ng sinuman sa tanghaling-tapat. Ito raw ay tumitira sa ilalim ng tulay na malapit sa bahay ng Heneral. Kung kabilugan, madalas makitang ang higanteng ito ay nananabako sa itaas ng kahoy.
Noong Rebolusyon, ninasang pasukin ng mga kawal na Kastila ang Kawit. Nang bumabagtas na sa tulay sila'y hinadlangan ng kapre. Ang mga paa nito ay iniharang sa kalaparan ng tulay. Nang paputukan ng mga Kastila, ito'y tinablan. Bumalik at tumalbog ang mga punglo. Ang mga kawal Kastila ay umurong kaya ang bahay ni Aguinaldo ay hindi nasalakay at di nasira.
Noong buhay pa si Aguinaldo, wala raw makapangahas magnakaw sa bahay na nabanggit sapagka't ang kapre ang nagpaparusa sa sinumang pumasok doon.