Isang batang-bata subalit barumbadong Gansa ang isinama ng kaniyang mga tiyuhin at tiyahin upang makapagsanay sa paglipad. Inilagay siya sa hulihan upang makita ang wastong pagkampay ng mga pakpak. Itinuturo ng mga tiyuhin at tiyahin sa batang Gansa kung bakit kailangan ang disiplina sa paglipad. Gusto nilang matutuhan ng batang Gansa kung paano tumingin sa kaliwa at sa kanan. Itinuturo rin nila kung paano lumipad nang mataas at mababa, nang mabilis at mabagal.
Minsan ay nawalan ng disiplina ang batang Gansa. Sa halip na sumunod sa mataas na paglipad ay nagpaiwan ito at nakipaglaro sa mapuputing ulap.
Hinaltak siya ng mga tiyuhin at tiyahin at kinagalitan nang lumapag sila sa ilug-ilugan.
"Ikaw, bata ka. Huwag na huwag kang lalayo sa iyong mga kasama. Matuto kang sumunod sa batas ng disiplina."
Binigyang diin ng mga tiyo at tiya na hindi pa gaanong matibay ang mga pakpak ng batang Gansa. Ang mga payo ay winalang halaga nito. Sa narinig na hindi pa matibay ang mga pakpak, nagrebeldeng nagpaikut-ikot sa paglangoy ang suberbiyong Gansa at tinampi-tampisaw ang tubig bilang panunudyo. Sa sobrang inis ng mga tiyo at tiya ay umahon sila sa ilug-ilugan at iniwang mag-isa ang pamangkin nila.
Kinabukasan, nagpumilit na namang sumama ang batang Gansa sa paglipad. Ayaw na sana itong isama subalit naghukay ito nang naghukay at nagpagpag nang nagpagpag ng buhangin sa mga pakpak ng tiyuhin at tiyahin. Upang hindi na magwala pa ay napilitan na naman nila itong isama.
Nang nasa kalawakan na sila ay napalingon sa silangan ang batang Gansa at naakit sa napakagandang mga kulay ng bahaghari, tulad ng nakagawian, humiwalay na naman itong muli.
Sapagkat mabilis ang paglipad ng mga tiyuhin at tiyahin, hindi nila napansin ang pasilangang direksiyong tinungo ng pamangkin. Lingid sa kaalaman ng batang Gansa, nakaabang pala sa dakong silangan ang isang malaking Agila. Sa isang iglap ay dinagit ng Hari ng Kalawakan ang kaawa-awang batang Gansa. Malayo na ang Agila nang matanawan ng mga tiyuhin at tiyahin ang dinagit nilang pamangkin.
Aral: Magkaroon ng tiwala sa karanasan ng mga nakatatanda.