Minsang namamahinga sa tabing ilog ang Leyon ay naisipan itong buwisitin ng Lamok.
"Hoy, Leyon! Ikaw nga ba ang Hari ng Kagubatan?"
Tumindig ang Leyon at hinanap kung saan nanggagaling ang boses. Nang walang makita ay muli itong nagbalik sa may damuhan. Habang ikinikiskis nito ang matatalim na ngipin sa batuhan ay may narinig siyang busina na paikut-ikot sa kanyang tenga.
"Hoy Leyon.. Leyon," pangisi-ngising usisa ng pilyong Lamok na dumapo pa sa ilong ng nakangunot na Leyon. "tinatanong kita. Ikaw nga ba ang Hari ng Kagubatan?"
"Oo, ako nga! Hindi mo ba alam? Ako ang Haring dapat igalang ng sinumang naninirahan sa kagubatan!" pagyayabang ng Leyon.
"Teka, teka. Bakit ikaw ang dapat na maging Hari. Para sa akin wala kang karapatang mamuno sa kapaligiran. Hindi ako hanga sa iyong pagtatapang-tapangan!"
Tumayo sa galit ang mga tenga ng Leyon. Tumindig din sa kabangisan ang mga balahibo nito.
"Grrr..." nanlilisik ang mga matang hinampas ng Hari ang ilong upang patayin ang maliit na Lamok na madaling nakalipad at mailing nagbaon ng panusok sa pisngi ng Hari.
"Aruy! Aruy!" nagkikisay sa sakit ang Leyon.
"May Hari bang ganiyan? Isang tusukan lang ng insektong katulad ko ay nag-aaaruy na? Ako ang dapat tanghaling hari. Maliit man ay may panandata namang makapagpapa-aruy sa hari-hariang di dapat patungan ng korona ng kagitingan!"
Lumipad na naman nang paikut-ikot ang nambubuwisit na Lamok. Kahit maliit lang ang pangangatawan ay pinagalaw naman niya ang laki ng kaniyang kaisipan.
Nang ituturok na naman niya ang matulis na panurok ay tumalon na sa gitna ng sapa ang takut na takot na Leyon. Napag-isip-isip ng Lamok na mabisa pala ang matulis niyang panusok. Sa mariing tusok lang ay nagkokokoromba na sa pag-aruy ang pobreng Hari ng kagubatan.
Tuwang-tuwa sa kahahagikgik ang pilyong Lamok. Tuwang-tuwang naglilipad sa paligid-ligid ang insektong may matulis na panurok. Sa kasamaang palad ay nasabit ang pakpak niya sa sapot sa mga sanga ng puno ng banaba.
Sa pagpipilit na ikampay ang mga pakpak ay napakapit siya sa malagkit na sapot ng Gagamba. Sa pagpipilit na makawala ay lalong nagkasabit-sabit ang mga paa, pakpak at buong katawan ng Lamok.
Nang dumating ang gutum na gutom na Gagamba ay maluwag sa loob na tinanggap ng Lamok ang kapalaran niya. Ang ikinalulungkot lang ng Lamok ay nailublob niya sa sapa ang higanteng Leyon pero maliit na Gagamba lang pala ang sa kaniya ay lululon.
Aral: Huwag mong tapakan ang sinuman upang pahalagahan ka ng kalahatan.