Gutum na gutom na ang Lobo. Wala siyang mabiktimang hayop sa pananghalian. Lahat ay nagtatakbuhang papalayo kapag nakita siyang papalapit na may mapupulang mga mata, matutulis na mga kuko at makikintab na mga pangil.
Napangiti ang Lobo nang madaanan ang balag na ginagapangan ng mga ubas. Tiningala ng Lobo ang mga ubas. Napatakam siya. Tumalun-talon ang Lobo upang maabot ang mga ubas. Pero kahit na gaano kataas ang pagtalon ay hindi niya maabot ang mga prutas.
Natanawan ng Lobo na lihim na bumubungisngis ang mga Daga, Kuneho at Pusa sa lungga. Nasulyapan din niyang pinagtatawanan din siya ng Kambing at Matsing sa likod ng puno ng balimbing. Pagod na rin sa katatawa ang Manok, Maya at Agila na nakatuntong sa mga sanga ng puno ng mangga. Paanong hindi bubunghalit ng tawa ang lahat gayong parang akrobatikong patalun-talon ang Lobo sa gitna ng kagubatan. Pilit nitong inaabot ang hindi man lang makanting ubas na pangarap na kainin subalit hindi kayang abutin.
"Parang sirkero ang Lobo." malakas na tawa ng Pagong.
"Hindi basta sirkero. Sirkerong gustong abutin ang araw." pang-iinis ng Gansa.
"Hindi lang araw. Pilit din niyang inaabot ang buwan at mga bituin." sigaw ng Elepante. "Gusto mo bang sumakay sa ilong ko nang maabot mo ang mga ubas sa baging?"
"Huwag na. Salamat. Ayoko naman talaga ng mga ubas na iyan. Berde pa at tiyak na napakaasim pa."
Matapos pintas-pintasan ay inis na inis na iniwan ng Lobo ang ubasan.
Aral: Umisip ng maraming paraan upang ang pangarap ay makamtan.