Matapat na nagmahal sa bayan si Francisco Makabulos, heneral ng rebolusyong ipinagmamalaki sa lalawigan ng Tarlac.
Si Francisco ay isinilang sa La Paz, Tarlac noong Septiyembre 17, 1871. Si Alejandro Makabulos na isang makata ang kanyang ama. Si Gregoria Soliman naman na isang maybahay ang kanyang ina.
Ang pagiging makata ng ama ang nagbigay sigla kay Francisco upang mahilig din sa pagsusulat. Ang mga dulang Kapampangan niya ay ipinalabas sa Tarlac at ang mga dulang Tagalog ay itinanghal naman sa Nueva Ecija.
Unang namasukan si Francisco bilang klerk sa isang opisinang pampamahalaan. Ang pangarap niyang umasenso sa buhay ay natupad nang hirangin siyang Teniente mayor. Sa lideratong ipinakita, naging Cabesa de Barangay siya. Hindi nagtagal ay tinanghal siyang piskal ng paroko ng La Paz.
Sa larangan ng rebolusyon ay ipinakita ni Francisco ang tapang niya sa labanan. Bukod sa kabibuhang nasasalamin sa kaniyang mga galaw, ang katapatan niya sa layunin ng pakikidigma laban sa mga Kastila ay napansin sa kanya ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ito ang mga dahilan kaya ginawang Brigadier General si Francisco noong Hunyo 1897 sa Asemblea ng mga rebolusyonaryo sa Mt. Puray.
Bilang mandirigma, ipinakita niya ang kaalaman sa pakikihamok sa iba't ibang lugar. Kasama siya ni Heneral Monet sa madugong labanan sa Mt. Kamansi. Bilang pinuno, naipanalo niya ang labanan sa Dagupan; napasuko niya ang 1,500 Kastila sa mga garison sa Tarlac at naitaboy niya ang mga kaaway na naghahari-harian sa San Rafael, Bulacan.
Nang itatag ng mga Pilipinong kampi sa mga Kastila ang organisasyong Guardia de Honor na nag-aalsa sa pamahalaan ni Presidente Aguinaldo, tinalo niya at napatay sa labanan si Pedro Pedroche na dating Guardia Civil. Pinanindigan ni Francisco na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang itinindig na gobyerno militar na dapat suportahan ng bawat Pilipino. Para kay Francisco, ang pagsuporta ng lahat sa gobyerno ay pagsuporta sa digmaang ipinanalo nito.
Sa pagdating ng rehimeng Amerikano, naiba ang pagpapahalaga ni Francisco kay Heneral Aguinaldo na kaniyang pangulo. Sa pagsuko ni Pangulong Aguinaldo sa Palanan, Isabela at sa panawagan nitong pagsuko ng mga rebolusyonaryo ay nanindigan si Francisco. Sinuportahan niya ang paniniwala ni Heneral Antonio Luna, Commander-in-Chief sa Gitnang Luzon, na kailangan ipagpatuloy ang digmaan hanggang mapanalunan ang tagumpay o malibing sa kamatayan.
Nang misteryosong ipapatay si Heneral Luna noong Hunyo 5, 1899 sa Cabanatuan, nagdalawang isip si Francisco. Nagkaroon siya ng hinuha na maaaring nakasama siya sa pagpatay kung nakarating din siya sa lugar na kinaroroonan ng iniidolong heneral.
Nang isilang ang anak niyang si Paz ay minabuti niyang pasukuin na rin ang 9 na opisyal at 124 tauhan niya. Inisip niyang ibiningit na niya ang sariling buhay sa napakaraming pagkakataon upang ipagtanggol ang bansa sampu ng Tarlac na lalawigan niyang sinilangan.
Ang tagapagpalaya ng Tarlac ay binawian ng buhay noong Abril 30, 1922.