Isang tunay na girl scout si Josefa Llanes Escoda na nagbigay ng sarili alang-alang sa ikabubuti ng kapwa.
Si Josefa na lalong kilala sa tawag na Pepa ay ipinanganak noong Setyembre 20, 1898 sa Dingras, Ilocos Norte. Pinakamatanda siya sa pitong anak nina Gabriel Llanes at Mercedes Madamba.
Mula pa sa pagkabata ay kinakitaan na si Pepa ng sigasig sa pag-aaral. Tinapos ni Josefa ang elementarya sa Dingras at ang hayskul sa Laoag. Upang mapalawak ang kaisipan, pinili niyang sa Maynila na magpatuloy ng kolehiyo. Nakilala ng mga kamag-aral niya sa Philippine Normal College ang mataas na antas ng liderato ni Pepa. Dito niya tinapos ang Elementary Teacher's Certificate na may karangalan.
Beinte anyos lang si Pepa nang maulila sa ama. Upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ina at mga kapatid, ipinagsama niya ang mga ito sa Maynila. Pinilit niyang matapos sa taong 1922 ang Secondary Teacher's Certificate sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa dahilang matalino at masigasig na estudyante, nabigyang pagkakataon siyang makapagturo sa ilang kilalang kolehiyo at unibersidad sa kamaynilaan.
Nang mabigyang pagkakataong magpalit ng bukasyon, pinili ni Pepang maging isang boluntaryong social worker sa American Red Cross (Philippine Chapter). Sa pagpapamalas ng sinserong serbisyo publiko ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral ng social work sa Amerika. Taong 1925 nang ipagkaloob kay Pepa ng New York School of Socal Work ang kaniyang sertipiko.
Tinapos din niya sa taong ding yon ang Masters in Social Work sa Columbia.
Sa Estados Unidos ay naging kahanga-hanga ang aktibismo ni Pepa bilang modelong Pilipino sa larangan ng internasyonalismo. Naniniwala siyang wala sa kulay ng balat ang husay ng isang tao kundi nasa layunin at gawa tungo sa ikauunlad ng daigdig.
Sa tuwing naiimbitahan si Pepang magsalita sa International House na pulungan ng mga estudyante, lagi siyang nakadamit Pilipino na ikinahanga ng marami. Ang kaniyang kahusayang magsalita ay pinag-uusapan din ng lahat. Kagalang-galang na Pilipina ang dating ni Josefa.
Sa pagbabalik sa Pilipinas balik-turo si Pepa bilang propesora sa UP at UST. Naniniwala siyang wala nang dadakila pa sa pagiging guro kung saan nagagabayan ang kaisipan at kamulatan ng mga kabataan.
Pinasok niya ang paglilingkod sa pamahalaan sa sumusunod na mga ahensiya: Tuberceulosis Commission ng Bureau of Health, Textbook Board ng Bureau of Public Schools at Board of Censors for Moving Pictures.
Bilang kalihim ng General Council of Women, si Pepa ay nanindigan sa malawakang kalayaang dapat tanggapin ng kababaihan kalakip ng karapatan niyang maghalal at mahalal sa eleksiyong publiko ng bansa. Naniniwala siyang katuwang ng kalalakihan ang kababaihan sa lahat ng kalakaran. Ang kababaihan, ayon kay Josefa, ay hindi lamang dapat ituring na tagamasid lamang.
Nang maging bukambibig sa malalayang bansa ang "girl scouting," si Pepa ay ipinadala ng Pilipinas upang magsanay sa Amerika. Nang magbalik siya noong 1937 ay itinatag niya ang Girl Scout of the Philippines. Bagama't maraming problemang kinaharap si Pepa sa pagtatatag ng organisasyon, inaprubahan ni Presidente Quezon ang Commonwealth Act 542 na nagtatalaga sa GSP bilang pambansang organisasyon.
Sa ngalan ng serbisyo publiko, hindi makakalimutan si Pepa sa kaniyang mga nagawa. Siya ang nagtatag ng Boys Town para sa mga dahop na kabataang lalaki. Siya rin ang humingi ng mga pribilehiyo ng mga kababaihang manggagawa. Siya ang kumampanyang mabigyan ng mga benepisyo ang mga matatandang kumukuha ng adult education.
Ang pinakataluktok ng serbisyo publikong ginawa niya ay naganap noong panahon ng digmaan.
Sumapi siya sa Volunteer Social Aid Committee. Isa siya sa mga palihim na tumulong sa mga bilanggong Pilipino at Amerikano na mabigyan ng pagkain, damit at gamot.
Inaresto siya ng mga Hapon noong Agosto 27, 1944 at ikinulong sa Karsel 16 sa Fort Santiago. Tiniis niya ang lahat ng hirap alang-alang sa bayan. May nagsasabing inilabas si Pepa sa Fort Santiago at dinala sa Far Eastern University na isa sa mga gusaling okupado ng mga Hapon.
Sapagkat hindi na nakita pa ang bangkay ni Pepa, walang tiyak na nakapagsabi kung saang lugar siya pinatay.
Isang bagay lamang ang natitiyak ng mga Pilipino na nagdusa si Josefa Llanes Escoda alang-alang sa mga kababayan at sa bansang kanyang pinarangalan at pinaglingkuran.