Matapang lalo na sa oras ng kagipitan, iyan ang pangunahing katangiang dapat taglayin ng sinumang Katipunerang gustong maglingkod sa bayan.
Iyan ang nagliliwanag na katangian sa katauhan ni Marina Dizon-Santiago, Katipunera sa puso at kaluluwa.
Ipinanganak sa Trozo, Maynila si Marina o Maring noong Hulyo 18, 1875. Si Jose Dizon ang tatay niya at si Roberta Bartolome naman ang nanay niya.
Walong buwan lang si Marina nang maulila sa ina. Inalagaan siya ni Josefa Dizon Jacinto na kaniyang tiyahin at ina ni Emilio Jacinto.
Sa paaralang publiko nag-aral si Marina. Naging mahusay siyang mambibigkas, mang-aawit, gitarista at biyolinista. Sa kahusayan niya sa musika, naging miyembro siya ng Banda Trozo Comparsa.
Una niyang pinangarap na maging maestra pero inayawan ito ng ama niya.
Sapagkat lihim na samahang rebolusyonaryo ang Katipunan kaya walang kababaihang nakakakilala dito noong una. Sa paglipas ng buwan, lagi at laging nawawala sa mga bahay ang kalalakihan upang dumalo sa mga lihim na pulong ng samahan. Nang mapansin ng kababaihang nababawasan ang iniintregang suweldo ng mga ama, asawa at kapatid ay nagmanman sila. Isa si Marina sa mga nag-imbestiga. Napag-alaman niyang Katipunero pala ang tatay niya na nagbibigay abuloy sa samahan upang makabili ng mga sandatang pandigma. Marami ang natakot. Naging inspirasyon ng Katipunan si Marina sapagkat lubos nitong naunawaan ang mga layunin ng lihim na samahan. Sapagkat matapang, una siya sa mga kababaihang nagpatala noong Hulyo, 1893 bilang Katipunerang handang tumulong sa pakikidigma. Ang pagpapatala na ginanap sa bahay ni Restituto Javier sa Kalye Oroquieta ay tumanggap din sa pagsapi nina Gregoria de Jesus, Josefa Rizal, Trinidad Rizal, Angelica Lopez at Delfina Herbosa.
Isa sa mga naging pinakaaktibong Katipunera si Marina. Nanguna siya sa pamamahala sa mga proyektong pinansiyal na tumutustos sa maraming gawain ng sikretong samahan. Tumulong din siyang humimok sa maraming kababaihan upang lumahok bilang Katipunera. Sa maraming sumasali, binibigyang diin ni Marina ang sagradong papel na kailangang gampanan ng mga bagong miyembro. Maliwanag na itinuturo niya sa mga kasapi ang konstitusyon at mga simulaing dapat matutunan ng bawat isa.
Marami ang nagpapatunay na malaki ang naiambag ni Marina sa rebolusyon. Siya ang laging nangunguna sa pag-awit at pagsasayaw upang iligaw ng pansin ang paikut-ikot na mga patrol-Espanyol sa mga lihim na pulong ng Katipunan. Sa inilalarawang panlabas na katuwaan, nasa loob ng lahat ang pangamba. Lagi at laging binibigyang-diin ni Marina sa mga lihim na pulong ng mga Katipunera na kailangan ang tapang ng dibdib, ganda ng pag-awit, saya ng pagsayaw at sinseridad ng paghalakhak upang maging makatotohanan ang lahat ng drama-dramahan alang-alang sa Katipunan.
Bagamat naging abala sa pagsasabalikat ng mga gawaing pandigmaan, nagkaroon pa rin ng puwang ang sakramento ng matrimonya sa buhay ng dalaga. Noong Septiyembre 16, 1894 ay nagpakasal siya kay Jose Turiano Santiago sa Simbahan ng Binondo. Si Jose ay isa ring Katipunero ng Trozo, Maynila. Sa kasamaang palad, nang mabunyag ang Katipunan noong Agosto, 1896 ay ikinulong ang asawa at ipinapatay ng mga Kastila ang ama niya. Kahit na sobrang kalungkutan ang dinanas ni Marina ay nagpakatatag pa rin siya. Nang palayain ng mga Espanyol ang asawa, heto naman at pilit na kinokolonya ng mga Amerikano ang mga Pilipino.
Sa pagsakop ng mga Amerikano noong 1899, minarapat ni Marina at Joseng sa Bulacan manirahan. Sa hirap ng buhay, napilitang mamalagi sa Tarlac si Marina kasama ang kanilang mga anak. Si Jose naman na nagsilbi bilang accountant sa Maynila ay sinamang palad na mapatapon sa Hongkong sa bintang na patuloy raw ito sa pagiging revolucionario.
Nagkita pa rin si Jose at Marina subalit kaagad nabalo ang Katipunera. Naniniwala si Marina na sa anumang tagumpay ng isang lalaki ay may isang babaeng lagi nang nakaalalay. Pinaglingkuran ni Marina nang buong puso ang bansa niya. Sa hirap at ginhawa ay buong kaluluwa ring sumuporta siya sa asawa.
May kakulangan pa ba kay Marina kung pagmamahal sa bansa at pamilya ang hahanapin natin sa kaniya? Sapat na sapat ang ibinigay niya. Kung tutuusin, hindi lang sapat kundi sobra pa nga ang inihandog ni Marina sa ikatutuwa ng pamilya at ikalalaya ng bansang sinilangan niya.